Maraming pamumuhunan at iba’t ibang mga deals ang babaunin pauwi ng Pilipinas ni Pangulong Bongbong Marcos mula sa kanyang produktibong Belgium trip.
Mamayang gabi, nakatakda nang lumapag ang Pangulo at ang kanyang delegasyon sa Pasay City at inaasahan din ang kanyang arrival speech.
Kahapon, naging siksik sa mga bilateral meetings ng Pangulo at pakikipagpulong sa iba’t ibang mga business groups.
Kabilang na rito ang naging commitment ng French shipbuilder na OCEA na P1.5Billion na pondo para sa pagpapatayo ng isang shipyard sa bansa.
Nangako rin ang Acciona group na tumulong para sa pagpapalakas ng renewable energy dito sa bansa.
Muli ring nakapulong ni Pangulong Marcos ang mga opisyal ng Unilever kung saan ay nangako ito ng P4.7Billion na investment para sa digitalization ng kanilang operasyon.
Ibinida rin ng Pangulo sa isang Philippine-EU Business roundtable ang milyun-milyong workforce na kayang i-alok ng Pilipinas.
Umaasa si Marcos na patuloy umanong mamumuhunan ang mga European businessmen sa bansa sa layuning makapaglikha pa ng mas maraming mga trabaho dito sa Pilipinas.
