Inanunsyo ng Malacañang na itinalaga ni pangulong Rodrigo Duterte si Saidaman Balt Pangarungan bilang ad interim chairperson ng Commission on Elections.
Sa briefing ng Palasyo ay sinabi rin ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang appointment nina George Erwin Garcia at Aimee Torrefranca-Neri bilang ad interim commissioners.
Dagdag ni Andanar, bahagi ng direktiba ng Pangulo sa mga bagong commissioners ay ang pagtitiyak sa tapat, payapa, credible, at malayang halalan.
Pupunan ni Pangarungan ang bakanteng chairmanship post ng Comelec, dalawang buwan bago ang May 9 elections.
Dahil diyan ay puro appointees na ni Pangulong Duterte ang lahat ng miyembro ng Comelec, katulad nang nangyari noong 2016 kung saan ay puro appointees ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang lahat ng Comelec commissioners.
Si Pangarungan na ang ikalawang Comelec chair na nagmula sa Mindanao at pangalawang Muslim, kasunod ni Sheriff Abas na nagretiro noong February 2.
Nagsimula ang political career ni Pangarungan bilang assemblyman ng Autonomour Region in Muslim Mindanao mula 1979 hanggang 1982, kung saan ay naihalal siya bilang opposition candidate laban sa ruling party na Kilusang Bagong Lipunan.
Dati na rin siyang naitalaga bilang interior undersecretary sa ilalim ng administrasyong Cory Aquino.
