Pamilya ng BFP trainee na namatay sa loob ng training center sa Ligao City dahil sa umano’y kapabayaan ng mga BFP personnel, hustisya ang sigaw

LEGAZPI CITY—Hindi matanggap ng pamilya na namatay ang kanilang anak dahil sa kapabayaan umano sa loob ng kawa kawa training center ng Bureau of Fire Protection sa lungsod ng Ligao.

Ayon kay Retired Inspector Jose Tayam Ebdani ng BFP, naghihinakit ang pamilya sa personahe ng nasabing tanggapan matapos masawi sa ospital ang kanilang anak na si Jose Romula Ebdani, 28-anyos, residente ng Barangay Pangpang lungsod ng Sorsogon dahil hindi agad umano ito itinakbo sa ospital at pinaabutan pa ng hapon bago dinala sa malapit na pagamutan.

Aniya, umaga pa lang nang sumama ang pakiramdam ng biktima kung saan bigla na lamang itong natumba habang sila ay nasa loob training center.

Nagtagal ng halos apat na araw sa ospital ang biktima subalit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Base sa resulta ng death certificate, kidney at liver failure ang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Pero naniniwala ang pamilya na walang sakit ang kanilang anak nang ito’y pumasok sa loob ng training center.

Bago pa man kasi umano ito pumasok sa loob ng training center ay naipasa nito ang mga medical exam at agility test na nagpapatunay na maayos ang kondisyon nito.

Posible rin umanong may nangyari sa kanilang anak bago nasawi sa osiptal dahil nakaranas ito ng hirap sa paghinga habang nasa ospital. Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya sa pagkamatay ng kanilang anak.

Sinabi pa ng ama nito na pinag-iisipan nila kung sila ay magsasampa ng reklamo laban sa BFP personnel dahil sa kapabayaan ng mga ito. Hangad din nito ang agarang imbestigasyon o kapaliwanagan sa pagkasawi ng kanilang anak.###

(Note: Not the actual photo)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *