LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy ngayong araw ang pagsasagawa ng Pamaskong Handog para sa Kalikasan ng lokal na pamahalaan ng Pio Duran, Albay na pinangungunahan naman ng Municipal Disaster and Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay MDRRMO head Noel Ordoña, sinabi niyang ito na ang pangatlong taon ng pagsasagawa nila ng nasabing aktibidad na ilang taon ding napaliban dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito umano ay isang tree planting activity katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) bilang pagpapakita ng pagmamalasakit sa inang kalikasan.
Ayon kay Ordoña, naglaan sila ng nasa 200 na fruit and non-fruit bearing trees seedlings na itatanim ng lahat ng mga elehadong opisyales ng barangay sa nasabing bayan.
Sa ngayon, mula umano sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga binhi subalit noong mga naunang taon, nagmumula sa lokal na pamahalaan ang mga ginagamit na pananim sa pamamagitan ng pondo ng MDRRMO sa climate change adaptation.
Sinabi pa niya, mahalagang samahan ng fruit-bearing trees ang mga binhi upang mapakinabangan at makapagbigay ng kabuhayan sa mga residente.
Sa kasalukuyan, umaasa ang buong pwersa ng MDRRMO at ng LGU sa tagumpay ng kanilang aktibidad.