CAMARINES NORTE – Isinantabi ng mga kaparian ang pagbibigay ng pang linggong homiliya o sermon upang bigyang daan ang pastoral letter ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa People’s initiative para amyendahan ang 1987 constitution.
Binasa sa lahat ng simbahan ng Diyosesis ng Daet nitong Linggo, Pebrero 4 ang liham pastoral na binalangkas sa katatapos lang na 127th CBCP Plenary Assembly na ginanap sa Pope Pius XII Catholic Center sa Metro Manila noong nakaraang linggo.
Pirmado ito ni CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na may petsang Enero 31, 2024.
Ikinabahala ng mga Obispo ang pagpapapirma para sa People’s initiative sa iba’t- ibang bahagi ng bansa kung saan marami ang mga pumirma kahit hindi nila nauunawaan ang kanilang pinirmahan.
Ang mistulang people’s initiative umano ay isinagawa ng ilang mga lingkod bayan kaya malinaw na hindi talaga ito nagmula sa inisyatiba ng karaniwang mamamayan.
Malinaw umano na may halo itong panlilinlang at pagbabalewala sa tunay at malayang kakayanang makiisa sa demokratikong proseso.
Binigyang diin ng CBCP na hindi ito simpleng lagda dahil kalakip nito ang pagbibigay ng kakakayahan sa ating mga mambabatas na palitan at baguhin ang Saligang Batas.
Nakakabahala umano ang napakalaking posibilidad na higit pa sa economic provision ang baguhin o amyendahan.
Nanindigan ang mga Obispo na hindi ang Saligang Batas ang problema batay na rin sa mga ginawang pag- aaral.
Hinimok din ng simbahan ang mga tao na huwag basta lalagda o papayag sa kahit na anong petisyon nang hindi muna napag iisipan, napag uusapan at nadadasalan.
Hindi rin daw dapat maging kampante kahit pa sinuspinde na ng Commission on Elections ang lahat ng proceedings kaugnay sa People’s Initiative sa Charter Change.
Aminado naman si Provincial Election Supervisor Atty. Francis Nieves na dahil suspendido lang ay may posibilidad talaga na ano mang oras ay ma- revive ang usapin patungkol sa People’s Initiative.
Sa ngayon nakatuuon umano ang kanilang pansin sa muling pagbubukas ng voter registration na magsisimula sa susunod na linggo.
