Kasalukuyan pa rin ang ginagawang hot pursuit operations ng mga kasapi ng 95th Infantry Battalion sa mga rebeldeng NPA nakasagupa noong March 24, 2022 sa Barangay Aplaya, Maconacon, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan mula kay Capt. Rigor Pamittan, Chief DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army, bago ang engkwentro ay nagsasagawa umano ng intensified military operations ang kasundaluhan sa lugar nang bigla silang paputukan ng hindi matukoy na bilang ng mga rebelde.
Gumanti naman ng putok ang tropa ng pamahalaan at tumagal ng 15 minutos ang sagupaan pagkatapos ay tumakas ang mga rebelde sa magkakaibang direksyon.
Sinasabing kabilang ang armadong grupo sa Komiteng Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Inihayag ni LtC Carlos Sangdaan, Battalion Commander ng 95IB na mayroon umano silang natatanggap na impormasyon na umaaligid sa lugar ang mga NPA at pinagbabantaan ang mga residente kaya agad nagsagawa ng military operations kung saan dito naganap ang bakbakan.
Kaugnay nito ay inutusan na rin ang mga tropa na harangan ang mga maaaring puntahan ng mga rebelde kasabay ng pag-alerto sa CAA patrol bases maging ang PNP at paglatag ng checkpoint sa posibleng pagbaba ng mga NPA.
Mariin namang inihayag ni MGen LaurenceMina, Commander 5ID na hindi nila hahayaang makatakas ang mga CTG at nagbantang gagawin ang lahat upang pagbayaran ang mga karahasang ginawa ng mga ito sa paghadlang sa progreso ng naturang barangay.