Pagsertipika bilang urgent sa panukalang magtatatag ng DFAR, ilalapit kay PBBM

Suportado ng leader ng mga mangingisda ang isang panukalang batas sa Kamara na layong magtatag ng Department of Fisheries and Aquatic Resources.

Batay sa House Bill Number 1977 na iniakda ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo, inaasahang mapabubuti ng DFAR ang management at sustainable development ng aquatic resources ng bansa.

Pinagtibay ng Fisherfolk Council of Leaders ang resolusyon na humihimok kay Pangulong Bongbong Marcos na sertipikahan bilang urgent ang panukala.

Paliwanag ng grupo, humaharap sa matinding hamon ang sektor dulot ng mahinang huli ng isda, overfishing at pagkasira ng marine habitats tulad ng coral reefs at mangroves bukod pa sa limitadong imprastraktura at kulang na support services.

Naniniwala rin ang mga mangingisda na kailangan ang DFAR upang ma-institutionalize ang science-based methodologies sa fisheries management na magreresulta sa pinalakas na productivity, competitiveness, sustainability, resilience at inclusiveness.

Sinabi naman ni Salo na mapaiigting ang food security at kabuhayan ng mga mangingisda sa tulong ng DFAR lalo’t noong nakaraang taon ay naitala sa 4.26 million metric tons ng isda ang produksyon ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *