Pinaiimbestigahan ni House Committee on Dangerous Drugs Chairperson at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sa liderato ng Philippine National Police ang hindi awtorisadong pagtatalaga ng mga pulis bilang bodyguard ng mga Chinese POGO officials at workers.
Kasunod ito ng napaulat na dalawang miyembro ng PNP-Special Action Force na naka-assign sa Zamboanga ang inaresto ng pulisya mula sa Muntinlupa City matapos mag-alitan sa loob ng bahay ng isang POGO official.
Ayon kay Barbers, ilang taon nang ginagawa ang ganitong police scheme kaya malakas ang loob ng POGO hubs, officials at mga manggagawa lalo’t bantay-sarado sila ng aktibo at armadong state security forces.
Napag-alaman aniya na rumaraket ang dalaawang PNP-SAF officers bilang personal bodyguards ng Chinese POGO official na naninirahan sa Ayala Alabang.
Tumatanggap din umano ng buwanang sahod na 40,000 pesos ang bawat isang bodyguard habang kalahati nito ang ibinibigay sa kanilang Battalion Commander na nag-apruba sa deployment.
Punto ni Barbers, ang masama rito ay walang maipakitang dokumento ang dalawang pulis bilang patunay ng official designation bilang personal boduyguards ng POGO workers at officers.
Hindi umano malabo na maaaring maging bodyguard ng Chinese drug lord ang mga pulis at hindi imposibleng magawa ng PNP Regional Director, Provincial Commander at local police chief ang pagde-deploy.
Dahil dito, iginiit ng kongresista na dapat imbestigahan at parusahan ni PNP Chief General Rommel Marbil ang lahat ng pulis na responsable sa pagpapahintulot na magamit ang mga tauhan bilang personal bodyguard lalo’t tanging PNP Police Security Protection Group ang may mandato na magbigay ng security sa government institutions, officials, visiting dignitaries at awtorisadong private individuals.