LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na kasalukuyang nagpapatuloy ang kanilang pagpaplano ng expanded recovery para sa mga sektor na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay APSEMO Chief Dr. Cedric Daep, sinabi niya na sa ngayon ay nasa loss assessment process sila at gumagawa na ng detalye para sa expanded recovery plan para sa posibleng pinsala sa iba’t ibang mga sektor.
Ayon kay Daep, ilan sa mga sektor na maaapektuhan ay ang agrikultura lalo na sa mga lugar na sakop ng 6km permanent danger zone, livestock, turismo, at iba pa.
Kailangan na kasi aniyang mapagplanuhan ang tungkol sa sistema ng recovery, lalo na ang pagsumite ng proposals bago pa man magpatupad ng decampment sa evacuation sites sa oras na kumalma na ang estado ng bulkan.
Samantala, maliban dito, isa rin sa layunin ng recovery plan ay upang hindi magkaroon ng delays sa paglikom ng mga pondo.