Inatasan ng Department of Education (DEPED) ang mga schools division office (SDOs) sa Bicol region na ayusin ang kanilang learning modality at pagtibayin ang modular distance learning kapag mayroong localized class suspension dahil sa epekto ng shear line at low pressure areas na nararanasan.
Ayon kay DEPED Bicol regional director Gilbert Sadsad, ang pagpapalabas ng karagdagang mga alituntunin sa pagsasaayos nito kapag may suspension ay naglalayong tiyakin na naipagpapatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pag-aaral at mabawasan ang pagkawala ng kanilang pagkatuto dulot ng sama ng panahon.
Aniya, ang modular distance learning, performance task, proyekto, o iba pang mga kaugnay na aktibidad ay dapat ipatupad upang matiyak na ang mga kakayahan at layunin sa pagkatuto ay natutugunan ng mga mag-aaral.
Inatasan din ni Sadsad ang mga SDO na ipamahagi ang mga available na self-learning modules (SLMs) na gagamitin ng mga paaralan kapag nasuspinde ang mga klase.
Pinaalalahanan din nito ang mga paaralan na tiyakin na ang mga SLM ay wastong ginagamit, pinangangalagaan.
Libre umano ito para sa mga guro at mag-aaral at nilayong gamitin ng hindi bababa sa 5 taon.
Samantala, responsibilidad ng bawat mag-aaral, guro, at pinuno ng paaralan na magsikap na protektahan ang mga mapagkukunan ng pag-aaral mula sa pinsala o pagkawala upang mapahaba ang buhay nito.