LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na tapos na ang paglilikas sa lahat ng mga residenteng nakatira sa 6 kilometer permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Eugene Escobar, Reseach Division Chief ng APSEMO, sinabi niya na naging matagumpay ang paglilikas sa mahigit 13,000 katao na pasok sa nasabing PDZ at kasalukuyan nang nasa evacuation centers.
Ang mga ito ay mula sa anim na mga lugar sa Albay na kinabibilangan ng mga lungsod ng Ligao at Tabaco, at mga bayan ng Malilipot, Daraga, Camalig at Guinobatan.
Dagdag pa niya, nagsimula na rin kahapon na ilikas ang mga residente mula sa bayan ng Sto. Domingo, subalit nilinaw niya na hindi ito pasok sa 6 kilometer permanent danger zone at hindi rin kabilang sa datos na kayang inilahad.
Ngayong nasa evacuation centers na ang mga inilikas na residente, nilinaw ng mga otoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang bumalik o pumasok sa PDZ at nakapwesto sa mga ito ang mga tauhan ng Philippine National Police at Philippine Army.
Kung sakali mang itaas na ng PHIVOLCS ang bulkan sa Alert Level 4, agad na ring isasagawa ang mandatory evacuation sa 7 kilometer extended danger zone.
Sa ngayon, nakatuon ang pansin ng mga otoridad sa pagtitiyak sa kaligtasan ng mga evacuees, lalo pa’t aminado silang nakakatanggap sila ng mga reklamo sa mga evacuation centers.
Inasahan na umano nila ito, kung kaya’t patuloy nang sinosulusyunan ng nakakasakop na LGU. Pinanawagan naman ni Escobar sa mga evacuees na kung sakaling makakita pa ng ilang problema, huwag magdalawang-isip na agad i-report sa mga local DRRMCs at LGU.