CAMARINES NORTE- Inihayag ng Provincial Health Office na malaking tulong ang pagkakaroon ng Super Health Center sa isang lugar para matugunan ang pangangailangan ng mga residente lalo na ang mga lugar na malayo sa ospital.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco magkakaroon ng tatlong Super Health Center sa lalawigan at ito ay sa bayan ng Talisay, Daet at Mercedes.
Noong Sabado ay ginanap ang Ground Breaking Ceremony ng Super Health Center sa Talisay na matatagpuan sa Barangay San Francisco.
Pinangunahan ito ni Senator Bong Go, Chairman ng Senate Committee on Health and Demography at dumalo rin sina Senator Robinhood Padilla, Governor Ricarte “Dong” Padilla, Mayor Donovan Mancenido at iba pang lokal na opisyal ng probinsiya at munisipyo.
Ayon kay Francisco maibibigay ng Super Health center ang mga serbisyong wala sa Rural Health Unit.
Masuwerte umano ang Talisay dahil ang proyektong ito ay dapat sana sa bayan Labo pero tumanggi umano ang huli kaya inilagay sa una.
Ang Super Health Center ay isang multi- specialty clinic na may lying-in, emergency, ultra sound, x- ray at laboratoryo.
Dagdag pa ni Francisco na susunod na rin ang Super Health Center ng Mercedes at Daet.
