Napag-usapan nina Chinese President Xi Jinping at Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes sa ginawang phone call ng China ang tungkol sa pagkakaibigan at kooperasyon ng China at Pilipinas pagdating sa COVID-19 pandemic at infrastructure development.
Sinabi ng Palasyo na naging “warm, open, and productive” ang pag-uusap ng dalawang world leaders, na tumagal ng 45 minuto.
Binati naman ni Pangulong Duterte si President Xi at ang mga mamamayan ng China para sa Centennial Founding Anniversary ng Communist Party of China.
Iginiit rin ng Pangulo ang commitment ng Pilipinas na ipagpatuloy ang pagpapatibay ng bilateral ties nito na kasama ang China, partikular na sa larangan ng trade, investment, at infrastructure development na inaasahang magpapabilis sa post pandemic recovery.

Pinasalamatan rin ng Pangulo ang China dahil sa inabot nitong tulong para sa COVID-19 response ng Pilipinas habang humihiling ng mas mabuting kolaborasyon sa public health sector, partikular na sa vaccine development at production.
Mababatid na nag-donate ang China ng 1-million doses ng Sinopharm COVID-19 vaccine sa bansa.
Iba pa ito sa 1-million doses ng Sinovac na naipamahagi ng China sa Pilipinas nitong maagang bahagi ng taon.