CAMARINES SUR – Naniniwala si PCapt. Rechilda Matias, Chief of Police ng Bombon Municipal Police Station na malaki ang epekto sa komunidad kapag ang isang pulis ay nagiging tamad habang sila ay nasa serbisyo.
Ibinahagi sa Brigada News FM Naga ni Matias na hindi lang seguridad ng komunidad ang sinisiguro nila, maging ang tiwala ng mga tao na iniingatan nilang nawa’y hindi mawala. Napakalaking bagay anya ang tiwala dahil ito ang nagsisilbing pundasyon upang magkaroon ng pagkakaisa at maging mapayapa ang isang lugar.
Sinabi rin ni Matias na maaaring ang personal problems ng mga pulis ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga pagkakataon na medyo nananamlay sila sa trabaho kaya’t mahalaga rin ang regular na pangangamusta sa kanila.
Kamakailan lang nagpalabas ng pahayag si PNP Regional Director PBGEN Andre Perez Dizon na bawal ang tatamad na mga pulis sa kabikulan.