CAMARINES SUR- Isa sa mga maiinit na usapin ngayon ang posibleng pag ”legalized” sa paggamit ng medical marijuana na panglunas sa mga malulubhang sakit kung saan nahati ang opinyon ng sambayanan; mayroong kumontra at mayroon ding sumang-ayon.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Mayor Jovi Fuentebella, alkalde ng Sagñay, Camarines Sur, para sa kanyang personal na opinyon, wala namang masama kung gagamitin ito sa paggamot ng sakit dahil ayon na rin sa kanyang pagkakaalam, may inaalis ang mga doktor na kemikal o parte ng marijuana na siyang nakapagbibigay ng pangliwaliw na pakiramdam at saka ito ibinibigay sa mga may malulubhang sakit na tanging marijuana lang ang lunas.
Base na rin sa monitoring ng kapulisan sa kanilang bayan, mababa ang bilang ng mga kriminal na nahuhuli dahil sa marijuana kung kaya’t hindi nababahala ang alkalde na gawing legal ang medical marijuana. Gayunpaman, nagpapatuloy pa rin ang ginagawa nilang hakbang upang masugpo ang iligal na droga sa bayan.
Kamakailan lamang ay nagpalabas ng pahayag ang House Committee on Dangerous Drugs at House Committee on Health sa pag-apruba ng isang panukalang batas hinggil sa pag”legalized” ng medical marijuana sa bansa.