NAGA CITY- Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang executive order na nagbabalik ng National Irrigation Administration (NIA) sa Department of Agriculture (DA), bilang parte ng mga hakbang ng pamahalaan upang masiguro ang food security.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay NIA Bicol Spokesperson Ed Yu, sinabing nasa P40B ang budget ng NIA taon-taon habang ang DA ay umaabot naman sa P50-60B. Malaki ang pondo ng NIA bilang ahensya, kung nasa DA ito darami ang proyekto ng kagawaran. Ngunit ayon kay Yu, wala naman silang nakikitang malaking epekto nito.
Pareho lamang dahil dati na silang parte ng DA at aligned o nakalinya sa Kagawaran ng Agrikultura ang kanilang mga proyekto para sa pagsasaka.
P600M ang pondo para sa mga proyekto sa irigasyon sa Bicol ngayong 2022.
Kung matatandaan na noong panahon ni former Pres. Ferdinand Marcos nasa Department of Public Works and Highways ang ahensya, sa panunungkulang ni dating Pangulong Cory Aquino nasa DA ang NIA hanggang sa mga sumunod pang mga pangulo at nalipat sa Office of the President at ngayon balik na muli sa DA bilang attached agency.