SORSOGON CITY – Muling binatikos ng gobernador ng lalawigan ng Sorsogon ang umiiral na polisiya ng Department of Health (DOH) sa pagbabakuna, kung saan may sinusunod pa na kategorya, kasama na ang pangunahing rason kung ang lugar ay nasa low at high risk areas.
Ayon kay Governor Francis ‘ Chiz’ Escudero, mas lalo lamang ito nagbibigay ng kaguluhan at kalituhan sa publiko na kung saan naka pokus ang vaccination roll out sa mga high risk areas lamang na tila hinihintay munang tumaas ang kaso sa mga probinsya bago ang pag- usad ng pagbabakuna sa mga lugar na nasa low risk areas.
Ang resulta, singitan umano sa pila at palakasan ang nangyari na hindi sana nagkaganito kung naging maagap lang ang DOH sa pagbili ng bakuna dahil mayroon namang sapat na pondo. Dagdag pa nito, kung ito sana ang nasunod ay tiyak na magiging patas ang distribusyon ng bakuna sa bawat lalawigan.
Sinabi pa ng opisyal na sa lalong madaling panahon ay nabakunahan na sana ang mga nasa A4 at iba pang nasa lower catergory.

