CAMARINES NORTE- Inihayag ng Commission on Elections na malaking tulong sa voter registration ang pagamit ng mobile application dahil napapabilis nito ang proseso ng pagpaparehistro.
Dito sa lalawigan ng Camarines Norte, limang bayan pa lamang ang gumagamit nito para sa pilot testing.
Ito ay ang Mercedes, Labo, Vinzons, San Lorenzo Ruiz at San Vicente.
Ayon kay Election Officer III Emily Basilonia, nasubukan na rin umano nila ang pagamit ng mobile app sa pagsasagawa ng satellite voter registration maging sa mga islang barangay ng Mercedes kung saan mahina ang signal.
Mas pinadali rin ito ngayon dahil kahit hindi mag download ng app sa cellphone ay maaari itong ipasa na lang ng Comelec sa pamamagitan ng Bluetooth at SHAREit.
Kapag natanggap na ang app ay maaari nang magsimulang mag fill- up sa pamamagitan lang ng pag tsek sa mga impormasyon.
Pagkatapos na i- save ang mga impormasyon ay makaka- generate na ng QRcode na siya namang ini- scan sa computer ng Comelec bago i- print.



Matatandaan na ginawa ang nationwide launching ng mobile app sa voter registration noong nakaraang buwan.
Pero bago pa man ang opisyal na paglulunsad nito ay nauna nang sinimulan ang pilot testing sa mga nabanggit na bayan.
Ayon kay Basilonia, mula nang ilunsad ang mobile app ay hindi bababa sa 300 na ang nagparehistro sa bayan ng Mercedes gamit ito.
Maliban naman sa pagamit ng mobile app ay mayroon ding online system ang Comelec na tinatawag na iRehistro.
Muli namang nagpaalala ang komisyon sa mga hindi pa nakakapagparehistro na magtungo na sa mga opisina ng Comelec dahil hanggang sa September 30 na lang nitong taon ang voter registration bilang paghahanda sa 2022 National and Local elections.

