NAGA CITY –Sa muli na namang pagkakaroon ng mga kaso ng COVID-19 sa Naga City nagpalabas ng babala ang City Government na mag doble ingat para makaiwas sa anumang sakit lalo na ang mga nasa vulnerable sectors.
Sinagot naman ni Public Safety Office Head Renne Gumba ang usapin sa lockdown, aniya hindi pa ito nangyayari sa mga tahanan na may nag positibo sa sakit.
Paliwanag ni Gumba, wala pa namang inilalabas na anumang direktiba ang IATF National na gawing muli ang mga ganitong hakbang sa mga nasa ilalim ng alert level 1 tulad ng Naga City.
Sa ginawang press conference kahapon, sinabi nito na walang dapat na ikatakot ang mga Nagueño dahil hindi pa mangyayari sa ngayon ang ganitong senaryo.
Ang mga dating health protocol laban sa COVID-19 tulad ng laging paghuhugas ng kamay, pag alcohol ay kailangan na ipagpatuloy lamang, iyong mga may sintomas ng sakit magpatingin na sa doctor, sabi ni Gumba.
Ngayong buwan ng Abril, may naitala ng 27 kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Samantala, nagpapatuloy naman ang vaccination sa SM City Naga araw-araw.