Pag iwas sa matataong lugar muling ipinaalala ng PHO sa gitna ng banta ng COVID- 19 Omicron variant

CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan muli ng Provincial Health Office ang lahat na hanggat maaari ay umiwas muna sa mga matataong lugar sa gitna ng patuloy na banta ng COVID- 19 lalo na ng Omicron variant.

Ito’y lalo pa at hindi pa naabot ng lalawigan ang herd immunity at mababa pa ang vaccination coverage sa buong rehiyon.

Ayon kay acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, mas makabubuti na huwag nang umalis ng bahay kung hindi naman kailangan at kung lalabas ay palagiang isuot ang face mask at sundin ang minimum health standards

Dapat umanong mag ingat sa pagpunta sa matataong lugar tulad ng palengke at mall.

Sa mga lugar daw kasing ito ay marami ang pwedeng makahalubilo na hindi alam kung saan- saan nangaling.

“Huwag na kayong umalis sa mga bahay niyo at yung mga umalis naman huwag na kayong magdala ng infection sa bahay by wearing face mask at laging naghuhugas ng kamay,” ani Francisco

Read More:  2 carnapped vehicles from NCR recovered in Davao City

“At saka yung sinasabi ko huwag na kayong makihalubilo dun sa maramihang tao like for example pumunta kayo ng palengke, pumunta kayo ng mga malls, so yan yung mararaming tao, so di natin alam kung saan po galing itong mga taong ito.”

Ginawa ang paalala sa gitna na rin ng tila pagbalewala ng iba sa mga paalala ng gobyerno.

Marami pa rin kasi ang hindi sumusunod sa health protocol na para bang tapos na ang pandemya.

Tulad na lamang sa Mercedes fish port na laging dikit- dikit ang mga tao at may mga hindi rin nagsusuot ng face mask.

Kahapon kasabay ng muling pagsigla ng kalakalan sa naturang port matapos ang mahigit isang linggong may nakabanderang gale warning ay mapapansin ang mga tao na tulad ng dati ay ipinagwawalang bahala ang mga paalala ng gobyerno.

Read More:  CCTV captures computer shop robbery in Talisay City

Ayon sa Department of Health, kailangan pa rin ang ibayong pag iingat dahil bukod sa banta ng omicron variant ay nasa 53 percent pa lang ang fully vaccinated sa buong rehiyon.

Paliwanag ni DOH Bicol Assistant Regional Director Dr. Ferchito Avelino na mababa pa ang bilang na ito at hanggat marami pa ang hindi bakunado at patuloy na magiging matigas ang ulo ng mga tao ay mas mabilis pa ang magiging hawaan ng sakit.

Kahapon muling nakapagtala ng walong panibagong kaso ng sakit sa lalawigan kung saan anim dito ay mula sa Daet habang may tig isang kaso naman sa Vinzons at Mercedes.

Bago ito, iniulat ng DOH noong Miyerkules na mayroong tatlong nagpositibo sa probinsiya makaraan ang nahigit isang buwan na nagmula naman sa Daet, Jose Panganiban at Mercedes.

Dahil dito mayroon na ulit 11 aktibong kaso ng sakit sa lalawigan na nanatili ngayon sa Alert Level 2.