Kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos ang panukalang pag-invest ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Aniya, bakit kailangan pang gumastos ng pera mula sa MIC upang mapaganda ang serbisyo ng NGCP kung regulated naman ito ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Para kasi kay Marcos, hindi kakulangan sa pondo ang problema ng NGCP, kung hindi performance.
Muling iginiit ng Senadora ang nakakaalarmang kakulangan ng pagpapabuti sa kapasidad ng transmission ng NGCP, na nagdulot ng “automatic load-dropping incidents” at “grid-level outages”, hindi sapat na pagbili ng mga ancillary services, at pagkaantala sa pagkumpleto ng mga proyekto.
Dahil dito, iminungkahi niya na huwag na lang isama ng gobyerno ang mga hindi natapos na proyekto sa pagkalkula ng mga rate ng NGCP, sa halip na mamuhunan sa mga pribadong pag-aari ng grid operator.
Habang iminungkahi niya ito, iginiit ni Marcos na dapat magkaroon ng mga penalties ang NGCP para sa mga naantalang proyekto.