Isinusulong ng Makabayan Bloc sa Kamara na itaas sa limampung libong piso ang minimum salary ng public school teachers sa bansa.
Batay sa House Bill 9920, nais ng Makabayan lawmakers na gawing Salary Grade 15 sa ilalim ng Salary Standardization Law ang sweldo ng mga guro na katumbas ng 50,000 pesos kada buwan.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, hangad nila na makasabay ang sahod ng mga guro sa kasalukuyang cost of living at sa pagsipa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Binigyang-diin ni Castro na ang mga guro ang frontliners sa sektor ng edukasyon kaya marapat silang mabigyan ng disenteng buhay, kompensasyon at iba pang benepisyo.
Kahit itinuturing na propesyunal ang mga teachers, busabos naman umano ang kanilang sweldo.
Ipinaliwanag naman ni ACT-National Capital Region Chairperson Ruby Bernardo na isa ring teacher na suportado nila ang panukala ng Makabayan dahil siyam sa bawat sampung guro ang hindi nakatutuntong sa nakabubuhay na sweldo.
Kasabay ng pangamba na walang maaasahang dagdag-sweldo ngayong taon, marami aniyang teachers ang “overworked” o patung-patong na ang trabaho.