Hindi lamang libreng tuli ang handog ng Lokal na Pamahalaan ng Castilla sa ika-apat na taon ng kanilang programang Operation Libreng Tuli dahil mamimigay din ang LGU ng P30K cash bilang pakonsuwelo sa mga kalalakihang edad 30 taong gulang na mauunang magpatuli sa pagsisimula ng aktibidad ngayong araw ng Lunes, ika-17 ng buwan ng Hulyo ganap na alas kwatro ng hapon sa LGU Multi-Purpose Building sa Municipal Compound.
Ang nasabing hakbang ay upang mahikayat ang mga hindi pa tuli partikular na ang mga kabataan na sumailalim sa circumcision kung saan lahat ng mga kakailanganin sa nasabing operasyon ay sagot ng LGU.
Makakakuha din ng Certificate of Circumcision ang mga kalalakihang mag-aavail ng programa.
Ang Operation Libreng Tuli na magtatagal hanggang sa July 21 ay inisyatiba ng LGU katuwang ang Philippine Eagles Club MHO at Castilla Rhu team sa pangunguna ni Doc Mel Boque, Castilla District Hospital, Philippine Army at Sorsogon Police Provincial Office.
