Tahasang inihayag ng Makabayan Bloc sa Kamara na “presidential pork” ang pinagmulan ng confidential funds ng Office of the Vice President para sa General Appropriations Act noong 2022.
Sa press conference ngayong araw, ipinresinta ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang dapat sana’y ipakikita nilang mga dokumento noong budget briefing ng OVP upang mas malinawan hinggil sa confidential funds na nagkakahalaga ng 125 million pesos.
Lumalabas aniya sa Special Allotment Release Order ng Department of Budget and Management noong 2022 na inaprubahan ang 221.4 million pesos para sa financial assistance, subsidy at confidential fund ng OVP na may petsang December 13, 2022.
Ibinunyag ni Castro na naglipat o nag-realign umano ang Office of the President ng naturang halaga mula sa Contingent Fund at sa ilalim nito ay may confidential expenses na 125 million pesos base sa Summary of Appropriations, Allotments, Obligations, Disbursements and Balances.
Idinagdag din ni Gabriela Representative Arlene Brosas na makikita sa SAAODB na nakumpleto ang disbursements at may petsang December 31, 2022.
Iniulat umano ng OVP na na-obligate at nagastos ang buong 125 million pesos para sa confidential expenses, bagay na kaduda-duda dahil lalabas na labingsiyam na araw lang ito ginawa.
Kung hihimayin, papalo sa 6.5 million pesos kada araw ang nagastos ng OVP na tila ilegal umano lalo’t ang Contingent Fund ng OP ay inilalaan lamang sa bago o urgent activities at proyekto ng national government agencies.