CAMARINES NORTE – Aprubado na nitong Lunes, March 4, 2024 sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ang ordinansang lilikha ng Basud Traffic Management Authority sa Basud, Camarines Norte.
Ayon kay Vice Mayor Ramir Barrameda ang Basud Traffic Management Authority ang magsisilbing katuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa ilang mga kalsada lalo na ang malapit sa eskwelahan.
Kapansin- pansin daw kasi na marami ang lumalabag sa ordinansa lalo na ang illegal parking.
Ang mga magiging traffic enforcer ay sasailalim sa serye ng mga training at seminar upang magkaroon ang mga ito ng sapat na kaalaman sa pagpapatupad ng mga ordinansa.
Kabilang sa minimum qualifications para maging traffic enforcer ay dapat nakapagtapos ng senior high school sa ilalim ng bagong curriculum o K- 12 o kaya naman ay nakatuntong ng hanggang second year college.
Sa ilalim ng ordinansa ay pinapayagan ang mga itong mag- issue ng traffic citation ticket (TCT).
Ayon sa Alkalde malaking tulong ang mga traffic enforcer sa mga kapulisan upang masiguro ang kaayusan sa kalsada.
