Ipinag-utos ni Secretary of Migrant Worker Susan Ople ang agarang pagpapasara sa IDPLumen Travel Consultancy Services matapos makatanggap ng balita mula sa mga aplikante tungkol sa paniningil ng karagdagang P122, 000 mula sa mga nabibiktimang aplikante.
Sinasabing ang IDPLumen ay walang lisensya mula sa POEA upang mag-operate bilang recruitment agency at wala ring validated overseas job orders.
Naipalam umano sa kampo nina Ople na ang nagpapanggap na travel consultancy firm ay nag-aalok ng trabaho sa Poland.
Ilan sa mga trabaho na inaalok nito ay bilang mga truck drivers, welders at factory workers, na sinasabing aabot sa P35,000 hanggang P124,000 ang inaasahang magiging sahod.
Dahil dito, agad na isinagawa ng Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB) ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagpapasara sa headquarters sa San Fernando, Pampanga, maging ang mga opisina ng travel consultancy firm sa Santiago City, Isabela at Tabuk City, Kalinga. // SMM
