Oplan Isnabero paiigtingin ng PNP Highway Patrol Group sa Camarines Norte ngayong kapaskuhan

CAMARINES NORTE- Paiigtingin ng PNP Highway Patrol Group sa lalawigan ng Camarines Norte ang operasyon laban sa mga isnabero at mapagsamantalang mga driver ng mga pampublikong sasakyan ngayong panahon ng kapaskuhan.

Nitong Huwebes, Disyembre 15 ay nag- ikot  sa iba’t- ibang terminal dito sa bayan ng Daet ang HPG sa pangunguna ni Police Major Loreta Salgado, Provincial Officer, upang paalalahanan ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na huwag mamili ng pasahero at huwag ding mag overcharging.

Ayon kay Salgado mayroong instruction ang kanilang nakatataas na opisina at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maghigpit at hulihin ang mga abusadong driver.

Inisyal na hakbang pa lamang umano ang  ginagawang pagpapaalala.

Read More:  5 NPA rebels killed in Negros Occidental clash

Pero nagbabala si Salgado na kapag nakatanggap sila ng reklamo na may mga driver na namimili ng pasahero at naniningil ng sobra ay magsasagawa umano sila nang panghuhuli.

“Ang instruction po sa amin maghigpit kasi ang ano lang namin po, to remind you all na huwag kayong mag- overcharging o kaya mamili ng pasahero, bakit po, kapag may na-receive kaming complaint na nag overcharging kayo at namili kayo ng pasahero, so gagawa po kami ng aksyon together with LTFRB at LTO para maisyuhan po kayo ng ticket,” ani Salgado.

Marami na umanong nasampolan sa ibang lugar ng kanilang kampanya laban sa mga isnabero at abusadong driver.

Read More:  Four CPSU graduates enter 2026 LET top rankings

Ayaw naman daw ng HPG na mangyari ito sa Camarines Norte kaya nagbibigay sila ng paalala upang sa huli ay walang sisihan.

Sayang naman aniya ang imumulta kapag nahuli dahil ang perang ito ay pwede nang ipambili ng pagkain na pagsasaluhan sa noche Buena ngayong pasko.

Dagdag pa ng opisyal na hindi dapat namimili ng pasahero ang mga driver dahil sila ay nasa public transport.

Ang public transport ay iniisyuhan ng LTFRB ng Certificate of Public Convenience (CPC) bilang pribilehiyo na makapaglingkod sa publiko na nangangailangan ng pampublikong transportasyon.

Kaakibat nito ang mga kondisyon na layong mapabuti ang kanilang serbisyo.