CAMARINES NORTE- Arestado ang operator ng color games makaraang maaktuhang nagsasagawa ng iligal na pagpapasugal sa Sitio Del Carmen, Purok 2, Brgy Angas, Basud, Camarines Norte Sabado ng tanghali, Hulyo 16.
Kinilala ang suspek na si alyas Raul, 67 anyos, may-asawa, construction worker at residente ng Purok 1, Brgy Mantagbak, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office, habang ang mga operatiba ng Basud Municipal Police Station ay nagsasagawa ng anti-illegal gambling operation sa nasabing lugar ay naaktuhan ang nabanggit na suspek habang nagsasagawa naman ng iligal na pagpapasugal na tinatawag na “color games”.
Dito na inaresto ang suspek at kinumpiska ang mga gamit sa pagususgal tulad ng perya board game na may tatlong pirasong Dice at bet money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang batas na nagtatakda ng mas mahigpit na penalidad kontra sa iligal na pagsusugal.
Nasa kustodiya ito ngayon ng Basud, Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.
