SORSOGON CITY – Nagpapatuloy ngayon ang ginagawang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon para sa gagawin nitong ‘Oldest Pili Tree’ competition na inaasahan bago matapos ang buwan ng Hunyo.
Sa panayam ng Brigada News sa OIC ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) na si Roberto Fortes, sinabi nito na ang naturang aktibidad ay bahagi ng Pili Program na inilunsad nila nitong nakaraang taon na may layuning mapalakas ang industriya ng Pili sa lalawigan.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang panghihikayat ng nasabing opisina sa bawat LGU na magsumite ng kanikanilang entry hanggang Hunyo 15, 2022. Ang Pili Tree base sa pag aaral ng mga eksperto ay umaabot ng ilang daan taon lalo na kung naalalagaan ito at namomonitor ng maayos.
