Oil mill fire sa Alaminos, Laguna, posibleng abutin ng 4 na araw

Hindi pa rin naaapula hanggang sa kasalukuyan ang sunog sa isang oil mill o pagawaan ng coconut oil sa Alaminos, Laguna.

Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection o BFP, nagsimula ang sunog noon pang Linggo ng gabi at hanggang ngayon ay hindi pa rin naiddedeklarang fire out.

Hindi pa rin tukoy sa ngayon ng BFP kung ano mismo ang pinagmulan ng sunog, pero ayon sa ilang trabahador sa oil mill, bago ang sunog, bigla na lamang daw dumiklap ang mga linya ng kuryente sa isa sa kanilang makina pagkatapos magbrown out.

Doon na rin daw biglang sumiklab ang apoy na tumupok sa tatlo nilang bodega.

Sinubukan pa raw ng mga trabahador na apulain ang sunog gamit ang fire extinguisher at tubig mula sa fire hydrant ngunit mabilis din anilang kumalat ang apoy.

Ayon sa BFP, mahirap para sa kanila na mapatay agad ng tuluyan ng apoy gayong tone-toneladang kopra ang nasa loob ng mga nasusunog na bodega.

Kung kaya’t ayon din sa kanila, posibleng umabot ng apat na araw bago tuluyang mawala ang sunog.

Samantala, sa oras na maapula ang apoy, magsasagawa rin kaagad ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa tunay na pinagmulan ng sunog.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *