LEGAZPI CITY – Patuloy pa ring nararanasan ang water shortage sa bayan ng Oas, Albay.
Ayon kay Eddie San Jose, presidente ng isang farmer’s association sa kanilang lugar, problema sakanila ang kakulangan ng suplay ng tubig.
Dahil dito, agad na umaksyon ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) para sa agarang deployment ng Water and Sanitation (WATSAN) Unit sa malalayong barangay ng nasabing bayan.
Ayon kay APSEMO Head, Dr. Cedric D. Daep, ilan pa sa mga nakararanas ng kaparehong problema nitong mga nakaraang linggo ay ang mga barangay ng Busac, Manga, at Saban, dahilan na rin upang sila ay humingi ng tulong sa pamahalaan.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang team mula sa Provincial Engineering Office (PEO) at Provincial Health Office (PHO) sa mga apektadong barangay bago magpadala ng water sanitation and hygiene (WASH) trucks at water purifying machine.
Sinabi pa ni Daep, ito ay makakatulong sa mga apektadong residente dahil ang ligtas at malinis na tubig ang isa sa kanilang pangunahing pangangailangan.
Ayon pa sa datos ng APSEMO, mayroon talaga umanong ilang barangay sa Oas ang palaging apektado ng kakulangan sa tubig, lalo na sa tag-araw.//