Ipinunto ni Senador Win Gatchalian na isang mahalagang kasangkapan sa pagpuksa ng mga krimen online ang pagpapatupad ng SIM Registration Law sa bansa.
Alinsunod nito, binatikos ni Gatchalian ang di umano’y bigong pagpapatupad ng National Telecommunications Commission (NTC) dito na siyang nagiging sanhi umano ng patuloy na kaso ng panloloko at scamming online.
Anya, sa kadahilanang ito, hindi dapat ipagwalang bahala ng NTC ang batas at dapat nitong siguraduhin na maayos itong naipapatupad ng mga telecommunication operators.
Maalala, nitong 2022 nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang RA 11934 o mas kilala sa Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act na nagbibigay mandato sa lahat ng mga public telecommunication entities na i-require ang pagre-register ng SIM cards bago ang pag-activate upang magamit sa posibleng pagresolba ng krimen.