LEGAZPI CITY – Maraming SIM card subscribers ang nagrereklamo ngayon sa National Telecommunications Commission (NTC) dahil mayroon pa rin silang mga natatanggap na text scams kahit pa rehistrado na ang kanilang SIM cards.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit muling nagkaroon ng duda ang mga subscribers sa SIM card registration law, kung saan ayon sa ilan, maaaring kinuha lamang ang ilan sa mga personal data subalit hindi naman nasolusyunan ang mga text scams.
Subalit, nilinaw ni NTC Bicol Regional Director Engr. Samuel Sabile sa Brigada News FM Legazpi na ang pinakalayunin ng nasabing batas ay upang iwasan at tukuyin ang mga nasa likod ng text scams, hindi upang tuluyan itong mawala.
Ayon kay Sabile, ang ilan kasi sa mga natatanggap na mga mensahe via SMS o e-mails ay tinatawag na unsolicited commercial messages upang kumita, at may ilan sa mga ito na may negatibong intensyon sa malawak na numero ng mga subscribers tulad ng pagkua ng pinansyal na impormasyon.
Hindi naman kasi umano ito basta-bastang maiiwasan, subalit makakayang matukoy kung makikipagtulungan sila at kanila itong ire-report sa mga concerned agencies.
Sa mga reklamong kaugnay nito, kopyahin lamang ang laman ng kaduda-dudang mensaheng natanggap at agad na ipadala sa NTC upang ma-trace ang identidad ng mga nasa likod nito at malaman kung mapanganib lalo na pagdating sa seguridad ng mahahalang mga impormasyon.