Pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga residente ng Ilocos Norte at Cagayan.
Ito’y kasunod na rin ng scheduled rocket launch ng China mula ngayong araw, June 28 hanggang June 30.
Batay sa abiso, isasagawa ang rocket launch ng China sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan sa pagitan ng ala-7 hanggang alas-11 ng gabi.
Ayon sa NDRRMC, ang mga bahagi ng Long March 7A rocket ay inaasahang babagsak sa loob ng tinukoy na drop zone na tinatayang 75 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 126 nautical miles mula sa Santa Ana, Cagayan.
Dahil dito, inaatasan ang Philippine Coast Guard , Bureau of Fisheries and Aquatic Resources , Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na magpatupad ng hakbang upang protektahan ang mga papalaot sa karagatan ng dulong hilagang Luzon.
Kasunod nito, inalerto na rin ang mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Office ng Ilocos Norte at Cagayan para bantayan ang pagbagsak ng anumang debris.
Pinag-iingat din ng Philippin Space Agency ang lahat na huwag lumapit sa mga babagsak na debris mula sa pinakawalang rocket ng China dahil nagtataglay ito ng mga kemikal na nakasasama sa kalusugan.