Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga alkalde sa Metro Manila na mag-isyu ng mga local ordinances na nagpaparusa sa paggamit ng government-procured COVID-19 vaccines bilang booster shots.
Sa ilalim ng MMDA Resolution No. 21-18, hiniling sa lahat ng mga mayors ng 16 lungsod at isang bayan sa National Capital Region na parusahan ang mga sangkot dito kabilang ang vaccinators, vaccine recipients, facilitators, at iba pa.
Sinabi sa resolusyon na sa proposed executive order at ordinansa, kailangang ideklara ng vaccine recipient sa pamamagitan ng Patient/Vaccination Form na di pa sya fully-vaccinated para sa COVID-19 bago mabakunahan.
Inilabas ang government resolution matapos na ianunsyo ng Quezon City government na kinasuhan na nila ang dalawang taong sinasabing tumanggap ng di otorisadong booster shots matapos na fully-vaccinated na ang mga ito laban sa COVID-19, ngayong milyun-milyong tao pa ang di pa nababakunahan dahil sa limitadong suplay.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na labag sa state policy ang pagpapaturok ng booster shots ngayong di pa ito inirerekumenda ng vaccine expert panel ng bansa o ng all-experts group.
Mababatid na nasa 13 milyong katao na ang fully vaccinated na laban sa COVID-19, habang mahigit 14.1 milyon na ang nakatanggap ng unang shot.
