SORSOGON CITY – Arestado ang isang tauhan ng Hukbong Dagat ng Pilinas matapos itong ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa Camp Site, Brgy Guinlajon, West District sa lungsod ng Sorsogon.
Kinilala ang naaresto na si PFC Glen Janoras Buen, 28-anyos, may asawa at aktibong miyembro ng Phil. Navy na nakatalaga sa Cavite habang ang biktima ay nakilalang si Biff Detera Bulanon, 34-anyos, may asawa, empleyado ng isang pribadong kumpanya at naninirahan sa Brgy Tugos, West District ng nasabing lungsod.
Ayon sa reklamo ng biktima, pinasok siya sa opisina ng suspek na halatang nakainom o lasing na. Niyaya umano siyang makipag-inuman subalit tinaggihan niya ito dahil nasa oras pa siya ng kanyang trabaho.
Sa sama ng loob ay biglang tinanggal nito ang plug o saksakan ng kanyang computer dahilan para palabasin niya ito sa kanyang opisina.
Lumabas naman umano ang suspek subalit nang bumalik ito ay may hawak na na baril at walang habas na nagpaputok sa labas ng kanyang opisina.

Sa takot na baka pasukin siya ng suspek ay nagtago ang biktima kasabay ng paghingi ng tulong sa Pulisya.
Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Kusa namang itinurn-over ng misis ng suspek ang service firearm nito na isang caliber .45 na pistola na kargado ng dalawang bala habang nakarekober ng apat na basyo ng bala ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente.
Magkapatong na kasong illegal discharge of firearm at paglabag sa RA 10591 na may kinalaman sa Omnibus Election Code ang kinakaharap ngayon ng suspek.