sinusulong ni House Committee on Health Chairperson at Batanes Representative Ciriaco Gato Jr. sa Kamara ang panukalang batas na bubuo ng National Immunization Program para sa mga nagdadalantao.
Batay sa House Bill 9354, ang programa ay isasailalim sa Department of Health na may layuning tiyakin ang proteksyon ng mga buntis laban sa sakit sa pamamagitan ng pagpapabakuna gaya ng Influenza, Tetanus at Diphtheria.
Nakasaad dito na libreng ipagkakaloob ang programa sa mga pampublikong pagamutan at komunidad sa ilalim ng community-based immunization programs.
Gayundin sa private health facilities kung kasama sa PhilHealth benefit package.
Paliwanag ni Gato, marapat lang na magpatupad ng epektibong hakbang upang tugunan ang “gaps” sa access sa quality maternal healthcare services.
Sa datos aniya ng Philippine Statistics Authority noong 2021, umabot sa 2,478 ang mga kababaihang nasawi o anim hanggang pitong Pilipina kada araw dahil sa maternal causes.