Nasa 1,000 palakang bukid, pinakawalan sa Quezon City bilang bahagi ng kampanya kontra dengue

Quezon City, PHILIPPINES— Sa ibang dako ng Pilipinas partikular sa mga rehiyon at probinsya na may malawak na lupang sakahan o taniman ng palay, ang palakang bukid ay hindi lamang isang ordinaryong hayop kundi ito rin ay isang “delicacy” maging sa ibang bansa.

Kamakailan lamang, naitampok sa isang kilalang Magazine type TV Show sa bansa ang mga nakasabit na mga palakang bukid na ibinibenta sa gilid ng kalsada sa lalawigan ng Bukidnon upang lutuin at gawing ulam gaya ng adobo, tinola, pritong palaka at marami pang iba.

Ngunit bukod sa pagiging lamang tiyan, alam niyo ba na sa Quezon City ay ginagamit din ang mga palakang bukid bilang bahagi ng kanilang kampanya kontra dengue?

Nitong nakaraang Lunes, pinakawalan sa Brgy. Bagong Balara ng nasabing lungsod ang nasa 1,000 palakang bukid partikular sa mga creek at sapa sa lugar.

Ayon kay Brgy. Chairman Allan Franza, annually o taon-taon nilang isinasagawa ang ganitong programa upang masugpo ang mga lamok sa lugar na nagdadala ng dengue sa komunidad.

Ang mga lamok ay ang pangunahing uri ng insekto na kinakain ng mga palaka at ayon pa kay Franza, napatunayan nila itong epektibo dahil bago nila inilunsad ang programa noong 2018 ay mataas ang kaso ng dengue sakanilang barangay.### JUMEL DELA ROSA