Naomi Osaka, nangakong tutulong sa mga biktima ng Haiti earthquake

Nangako ang World No.2 tennis player na si Naomi Osaka na ido-donate niya ang mapapanalunan niyang pera mula sa darating na Western & Southern Open sa earthquake relief efforts sa Haiti.

Magsisimula ang women’s competition sa WTA 1000 event sa Cincinnati sa Lunes.

Magsisilbi ito bilang unang kompetisyon na papasukin ng four-time Grand Slam winner mula nang siya ay matalo sa third round ng Tokyo Olympics noong nakaraang buwan.

Sinabi ni Osaka sa kaniyang twitter post na masakit para sa kaniya na makita ang nangyaring sakuna sa Haiti.

Aniya, pakiramdam niya ay tila hindi na pwedeng magpahinga ang sangkatauhan mula sa mga nangyayari sa mundo.

Mababatid na ang tatay ni Osaka, 23-anyos, ay isang Haitian, habang ang kaniyang ina naman ay isang Japanese.

Matatandaan na tumama ang 7.2-magnitude na lindol sa nasabing Caribbean island noong Sabado na dahilan para masawi ang halos 800 katao.