Hilig mo bang mamasyal sa iba’t ibang mga makasaysayang lugar?
Sa Castillejos, Zambales ay bukas na muli sa publiko ang Museo ni Ramon Magsaysay, ang ika-pitong Pangulo ng bansa.
Ngayong araw ay ipinagdiriwang ang ika-115 taong kapanganakan ng dating pinakamataas na lider ng Pilipinas at kasabay nito ay ang maikling programang isinagawa sa kanyang museo.
Ayon kay Shrine Curator Noel Gaton, ang museo ay maaaring pasyalan ng publiko mula araw ng Martes hanggang Linggo at ito ay bukas ng alas nwebe ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon.
Sa mga nais na pumasyal sa lugar o mag-field trip ay tumatanggap ng walk-ins ang pamunuan o kaya ay maaari ring magpadala ng mesahe sa kanilang facebook page.
Taong 1996 nang ipinagkatiwala ng pamilyang Magsaysay ang pamamahala sa museo sa National Historical Commission of the Philippines.
Ang tinaguriang Champion of the Masses na tubong Zambales, ay naglingkod sa bansa mula Dec. 30, 1953 pero nasawi sa isang plane crash noong March 1957.//Jen Bayot-BNFM OLONGAPO
