Hindi na napigilang maiyak ni Mrs. Angelica Yulo nang humingi siya ng patawad sa kanyang anak na si two-time Olympic Gold Medalist na si Carlos Yulo.
Ito ay sa gitna ng girian sa kanilang pamilya kung saan nagviral sa social media ang isang interview sa kanya.
Sa isang press conference sinabi ni Mrs. Yulo, na humihingi siya ng tawad kay Caloy pati na rin sa sambayanan sa mga nasabi niya sa interview. Aniya, hindi siya nakapag isip ng mabuti noong narapido siya ng mga tanong tungkol sa mga bagay na dapat ay sila na lamang ang nag-ayos.
Handa na rin daw siya kasama ang kanyang asawa na makipag usap kay Caloy anumang oras kapag nakauwi dito sa bansa.
Samantala, sinabi naman ng legal counsel ni Mrs. Yulo na si Atty. Raymond Fortun na ‘no comment’ sila pagdating sa umano’y paglimas sa pera ng anak.
Aniya, si Yulo na lamang at ang kanyang pamilya ang bahalang mag-usap hinggil sa isyung ito dahil hindi na raw ito dapat pag-usapan sa media.