Nagsagawa ng simulation exercise ang Manila Police District (MPD) ngayong araw bilang bahagi ng paghahanda para sa inagurasyon ni President elect Bongbong Marcos Jr. na nakatakda sa ika-30 ng Hunyo.
Ilang kalsada ang isinara kaninang umaga kabilang ang Padre Burgos para sa nasabing aktibidad.
Bahagi ng simulation exercise ang pagpapakita ng mga tauhan ng MPD ng mga posibleng scenario sa araw ng inagurasyon.
Kabilang dito ay kung paano haharangin at tutugunan ng mga kapulisan ang mga indibidwal o grupo na magsasagawa ng kilos protesta.
Present dito ang mga Anti-Riot Police na naka-full battle gear pa.
Bukod dito, isinagawa rin ang isang bomb drill, kung saan isang paper bag ang iniwan sa harapan ng National Museum.
Dito ay ipinakita kung paano reresponde ang bomb squad at ang EOD robot sa posibleng bomb threat.
Una nang tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging mapayapa at walang magiging banta sa seguridad sa araw ng inagurasyon ng bagong Pangulo sa tulong ng libu-libong pulis na kanilang ipapakalat.(CLAY MARQUEZ)
#