SORSOGON CITY – Sunog na nang matagpuan sa bayan ng Cataingan ang motorsiklo ng mga biktima ng masaker sa bayan ng Palanas, Masbate.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng Palanas Police, isang concerned citizen ang nagpaabot ng ulat sa himpilan ng Cataingan Police sa natagpuan na dalawang sunog na motorsiklo alas 4:00 ng hapon noong Lunes, Agosto 16 sa Brgy Estampar sa bayan ng Cataingan, Masbate.
Sa pamamagitan ng chasis number, natukoy na ang mga behikulo ay pag-aari ng mga biktima ng pamamaslang sa bayan ng Palanas.
Kung babalikan, umaga noong Agosto 14 nang dukutin ng aabot sa 30 armadong lalaki na hinihinalang mga kasapi ng News People’s Army ang magkapatid na sina Jestoni Lalaguna, 22-anyos at Joey Lalaguna, 30-anyos parehong may kinakasama at residente ng Brgy Asid, Masbate City at ang tiyuhin na si Jose Robles Lalaguna, 51-anyos, may asawa, naninirahan sa Brgy Tugbo, Masbate City.
Ang mga biktima ay mga vendors at maglalako sana ng speaker, floormat at salamin sa nasabing bayan nang pagdating sa Brgy Miabas ay hinarang ng mga armadong lalaki.
Ayon sa mga nakasaksi, tinalian sa likod ang mga biktima at dinala sa hindi malamang lugar.
Dakong alas 4:00 ng hapon nang sunod-sunod na nakatanggap ng mga tawag ang himpilan ng pulisya sa mga natagpuang bangkay. Ang mga labi nina Jose at Jestoni ay natagpuan sa Brgy Piṅa habang ang labi ni Joey ay natagpuan sa Brgy Malibas ng parehong bayan.
Sa update na nakuha ng Brigada News mula sa Palanas Police, identified na nila ang ilang mga salarin na pawang mga miyembro ng Larangan 2, Komite Probinsyal 4.
Inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa sa mga suspek.




