Patay ang isang mister matapos na nagbaril umano sa sarili matapos na barilin ang kanyang misis sa loob ng kanilang kwarto sa Barangay District 8, Balayan, Batangas pasado alas-11:00 kagabi, Disyembre 5, 2022.
Kinilala ng Balayan Municipal Police Station ang namatay na si Ryan Balkin y Catchillar 37 anyos, dizer at residente ng naturang lugar.
Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay PMajor Domingo Ballesteros Jr., sinabi nitong nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa habang nasa loob kwarto na nauwi sa pamamaril ng mister sa kanyang misis na si Precious Balkin y Encarguez, 31 anyos, gamit ang cal. 22 revolver.
Tinamaan umano ang misis sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo ngunit nagawa nitong makatakbo at pumunta sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital para ipagamot ang sarili.
Agad itong inireport ng ospital sa Balayan MPS at sa pagresponde ng mga kapulisan sa bahay ng biktima ay tumambad sa kanila ang bangkay ng mister.
Ayon kay Major Ballesteros, sa bunganga nagbaril ang mister.
Isa umano sa posibleng dahilan ng away ng mag-asawa ay selos.
Nagpapagaling na ang misis nito sa ospital.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.