NAGA CITY – Patay ang isang misis matapos na sumalpok sa poste ng kuryente ang sinasakyan nitong motorsiklo, 6:00 ng gabi ng nagdaang Sabado Hunyo 24, 2023.
Ayon sa report, na-erecord ang insidente sa Sitio Tramo Barangay San Isidro, Sagñay Camarines Sur kung saan habang binabaybay ng isang motorsiklo ang lugar galing ng Nato Port at lulan nito ang mag-anak na Nemo, nang pagdating ng mga ito sa kurbadang parte ng lugar ay bigla na lamang nawalan ng control sa manibela ang drayber ng motorsiklo at sinalpok nito ang isang poste ng kuryente at tuluyan ng mahulog ang mga lulan nito sa sakahan.
Napag-alaman na 4 ang lahat na sakay ng motorsiklo at minamaneho ito ng padre de pamilya na si Ruel Nemo, 42-anyos, backride nito ang asawang si Maricel, 42-anyos at ang 2 menor de edad na anak.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mag-anak, subalit ang misis na si Maricel ay nagtamo ng matinding tama sa katawan kung saan nang dalhin ito sa pagamutan ay ideneklara na itong Dead on Arrival ng mga sumuring doctor.
Patuloy naman ang panawagan ng mga otoridad sa mga biyahero na mag-ingat kung hindi pamilyar sa lugar upang maiwasan ang mga aksidente.