Mga umano’y pagkukulang ng BFAR sa mga mangingisda sa WPS, nais paimbestigahan ng isang House leader

Ipinanawagan ni House Assistant Majority Leader at Zambales First District Representative Jefferson Khonghun ang imbestigasyon sa umano’y pagkabigo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na magkaloob ng sapat na bangka at iba pang suporta sa mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Tugon ito ni Khonghun sa dumaraming reklamo ng fishing community hinggil sa kaunting tulong na natatanggap nila mula sa BFAR kumpara sa aktwal na pangangailangan upang mapanatili ang kabuhayan.

Read More:  DENR preparing for possible impact of Super El Niño

Ayon sa kongresista, mahalagang solusyunan ang mga nakikitang kakulangan sa suporta sa mga mangingisda dahil karapat-dapat silang bigyan ng pinaka-angkop na resources upang maitaguyod ang pambansang interes sa pinag-aagawang karagatan.

Binigyang-diin din nito na kailangang busisiin at pag-aralan ang pag-realign o paglilipat sa pondo ng BFAR sa paparating na budget season para sa 2025.

Sa pamamagitan aniya ng pag-reevaluate at paglilipat ng alokasyon ay magagarantiyang bawat piso ay direktang nagpapabuti sa kondisyon ng mga mangingisda.

Read More:  Sen. Gatchalian says he is ready if chosen as SP

Nito lamang unang bahagi ng taon ay inanunsyo ng BFAR na naglaan ito ng 660 million pesos para sa pagbili ng 66 units ng 62-footer fishing vessels upang palakasin ang kapasidad ng mga mangingisda.

Sampu sa malalaking bangkang pangisda ang ipamamahagi sa fishing cooperatives na nag-o-operate sa WPS ngunit nababahala si Khonghun sa bisa ng inisyatiba ng BFAR kaya dapat siguruhing nagagamit nang wasto ang pondo.