Mariing kinondena ng mga senador ang ginawang pagharang ng Chinese Coast Guard (CCG) sa airdrop at paradrop operation ng Philippine Navy nitong Mayo.
Ito ay matapos lumabas na nagpadala ang CCG ng apat na rubber boats upang pigilan ang operasyon.
Maliban pa roon, nabatid din kinuha at itinapon ng mga Chinese ang mga suplay tulad ng tubig at pagkain na para sana sa mga sundalong Pilipinong nagbabantay sa West Philippine Sea.
Alinsunod nito, tinawag na kasuklam-suklam ni Senadora Risa Hontiveros ang ginawang pagharang ng CCG ‘di lang sa suplay ng pagkain pero maging sa medical supplies na nakalaan sa mga ito.
Anya, wala na ngang respeto ang China sa soberanya ng Pilipinas ay wala pa itong respeto sa mga kapwa nila tao.
Samantala, kinilala naman ni Senadora Nancy Binay ang aksyon ng CCG bilang paglabag sa protokol ng Geneva Convention na nagtatakda ng makataong pagtrato sa mga sugatan at may sakit.
Kaugnay nito, tinawag naman ding ‘inhumane’ ni Senador Ramon Bong Revilla ang nasabing aksyon kung kaya’t muli siyang nanindigang hindi isusuko ng Pilipinas ang teritoryo nito sa WPS.