LEGAZPI CITY – Posibleng magdeklara ang Albay Public Safety Emergency Management Office (APSEMO) ng mandatory evacuation sa mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog na may banta ng lahar mula sa Bulkang Mayon kung sakali mang magkaroon ng malalakas at sunod-sunod na pag-ulan.
Ayon kay APSEMO chief Dr. Cedric Daep, ang lalawigan ay nahaharap sa “associated hazards” dahil sa nasabing bulkan.
Ayon pa kay Daep, kailangan talaga unanong i-extend ang evacuation sa mga lugar na mayroong banta ng lahar malapit sa mga ilog sa paligid ng Mayon.
Samantala, binigyang-linaw naman ni Daep na walang evacuation sa ashfall.
Ang kailangan lamang ay gumamit ng damp cloth o basang tela na taliwas naman sa iminungkahi ng Office of Civil Defense (OCD) na magsuot lamang ng facemask kung sakaling magkaroon nito.
Ayon kay Daep, lubos na mapanganib ang ashfall at kailangang damp cloth ang gamitin para hindi mahinga ang mga abo.
Sinabi pa ni Daep na ang ashfall ay parang mga ‘blisters’ ng basag na bote, kung kaya’t mas angkop na gamitin ang basang tela.