Pinapayuhan ng Philippine Embassy in Moscow, Russia ang mga Pilipinong naninirahan doon na maging mapagmatiyag at maging alerto kasabay ng pag-aanunsiyo ni Moscow City Mayor Sergey Sobyanin hinggil sa pagpapatupad ng mga hakbang kontra-terorismo sa buong siyudad.
Ito ay matapos maghain ng kasong kriminal ang National Anti-Terrorism Committee ng Russia laban sa pinuno ng Wagner Group na si Yevgeny Prigozhin nang magbanta ito pag-atake at paratang pag-uudyok ng armadong rebelyon.

Pinayuhan din ng embahada ang mga Pilipinong nakatira sa Rostov-on-Don, Belgorod, at ibang lugar sa boundary ng Russia at Ukraine na ipaalam sa embahada ang kanilang sitwasyon.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na nananatiling normal ang sitwasyon sa Moscow at wala pang mga Pilipinong humihiling na ma-repatriate ang mga ito.
Mayroong humigit-kumulang 10,000 Pilipino sa Russia; 8,000 hanggang 9,000 ay nasa Moscow.//CA