NSW, Australia— Noon pa man ang mga daga o tinatawag ring “mabait” ay itinuturing ng salut sa mga komunidad dahil sa perwisyo na kanilang iniiwan sa mga sakahan at maging sa mga bahay.
Ayon sa mga eksperto, likas at bahagi na ng kanilang mga katangian ang ngumatngat, hindi nila sinasadyang manira ng mga palayan at mga kagamitan sa loob ng bahay dahil katulad ng ating mga kuko, ang kanilang ngipin ay patuloy rin sa paghaba, kaya’t araw-araw ay kailangan nila itong tasahan sa pamamagitan ng pagngatngat.
Sa New South Wales sa Australia, nasa 420 inmates at 200 staff ng Wellington Correctional Center ang napilitang lumikas at lumipat ng pasilidad matapos silang salakayin ng daan-daang daga.
Batay sa ulat, nginatngat at sinira ng mga daga ang kisame at mga wire ng kuryente sa nasabing kulungan habang ang iba naman ay nangamatay na sa loob nito na posibleng magdulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mga inmates at staff, kaya minabuti ng pamunuan nitong lumikas sila sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa mga residente sa lugar, halos isang buwan nang nananalasa ang mga daga sakanilang lugar at pinaniniwalaang ito raw ay bunsod ng masaganang ani nitong nakaraang taon.
Sa ngayon, ay gumagawa na rin ng hakbang ang pamunuan ng nasabing correctional center para mapaghandaan ang posible pang pananalasa ng mga daga sa mga susunod na araw. || JUMEL DELA ROSA